Iiwasan kong magmura sa kasulatang ito.
Parang iyong nakita kong matandang babae sa may pedestrian lane sa may Salitran. Nawa'y napunta siya sa magandang lugar matapos ko siyang makita sa may Salitran. Natutulog siya sa may daanan ng mga taong alam mo namang walang pakialam sa iba. Kaya ayon, dinadaan-daanan lang siya sa may pedestrian lane sa may Salitran.
Natutulog ang babaeng nakita ko sa may daanan ng mga tao sa may Salitran. Ginawang unan ang bagahe. Maaaring laman nun ay mga damit, appliances, limpak-limpak na sinaunang pera na hindi naman niya mabenta dahil akala ng may-ari ng antique shop ay ninakaw lang niya ito. Sino ba namang maniniwala sa babaeng natutulog sa may pedestrian lane sa may Salitran, na mukhang gusgusin at walang patutunguhan ang buhay, 'di ba? Mukhang masarap ang tulog niya sa kalagitnaan ng katanghalian at maraming dumadaang tao, o baka naman talagang deads na siya. Ewan ko lang. Hindi ko na siya nakita ulit sa pedestrian lane sa may Salitran.
Maraming dumadaang sasakyan habang natutulog ang babaeng gusgusin sa may Salitran. Ngunit para sa kapitalistang lipunang ito, wala siya roon. Pagkat walang nakakita sa kanya.
Maaaring multo siya. Siguro nga. Siya siguro ang multo ng masalimuot na kalagayan ng lipunang ito. Tulad ng mga namatay at malapit ng mamatay na indigenous tribes na may makulay na kultura, wala ng makakaalam ng kwento ng matandang babaeng natutulog sa may pedestrian lane sa may Salitran.
0 comments:
Post a Comment